Saturday, January 29, 2011

GABI (Quiapo Series IV)



Kabaligtaran ng rumaragasang pagpaparoo't parito ng mga tao't sasakyan sa umaga, ay ang pagkakupad-kupad na pag-usad ng mga ito pabalik ng Quiapo tuwing sasapit ang takip-silim. Parang isang higante at mahabang uod na bugbog sa maghapong pagngatngat ng mga dahon, ang pinaghalong mga tao't sasakyan na ito ay marahang nabubuo mula sa kung saan-saang panig ng Maynila at mga karatig pook, nagkakadikit-dikit, nagbubuhol-buhol, at nagkakaisang iginigiit at iginagapang ang malata niyang katawan mula sa City Hall, pausad ng Lawton, papanhik ng Quezon Bridge at pababa ng Quezon Boulevard. Mabagal at pahinto-hinto. Matagal at nakababagot. Kasaliw ng maitim na usok at mainit na singaw ng mga makina't katawan ang bigat na bitbit, na halos maaninag na't mamataang kumukulambong sa mga papauwing obrador, empleyado, estudyante't mga guro, mga tindera't paninda, mga bata't matanda, may asawa't wala. Iisa ang pakay. Ang makauwi ng bahay (na hindi ibig sabihin palagi ay bahay na may sahig, dingding at bubong. Minsa'y silid lang. Minsan sahig lang. O pinagtagpi-tagping kahon sa loob ng kariton).

Pagsapit ng alas singko'y nagkukumahog na sa pagsasara ng mga kurtinang bakal ang mga tindaha't kainan. Ang mangilan-ngilan ay apura na ring umiistima sa mga natitirang kostumer. Upang pagkatapos ng mabilis na palitan ng bayad at sukli, ay maka-unat na sa nakaabang na higaan.

Pero 'di lahat ng taga Quiapo'y natutulog kung gabi. 'Di lahat ng ilaw ay pinapatay ang sindi. Mayroong mga paninda't tindera na lumilitaw lamang sa pagsapit ng dilim. Mayroong mga labing mapula lang kung gabi.

No comments:

Post a Comment