a trash-bag of thoughts and things that swim in the mind of a wandering fool-for-Christ, a.k.a. taong-grasa-para-kay-Kristo wannabe... "If indeed aspiring to be free and happy and deliberately poor, simple, unfit for career advancement, and just a mere human being who is fully aware of his being so is really a case for the asylum, then please count me in! This is what being a fool-for-Christ truly means! I would willingly forgo a leg and an arm to even get anywhere near being one!"
Friday, January 28, 2011
TANGHALI (Quiapo Series III)
Sandaling lumuluwag ang mga kalsada't kalye. Lalo't kapag masingkad ang araw at nakalilitson ang init. Walang kaprasong lilim, kahit anino lang ng poste, ang 'di dadayuhin at saglit na kukublihan. Parang mga dagang binulabog ng liwanag, nagsisipagsiksikan ang lahat sa mga silong at siwang.
Kalansingan ang mga pinggan at kubyertos sa maraming kainan. Lagutukan ng lagutukan ang mga bote ng softdrinks na tinatanggalan ng tansan. Halo dito, takal doon, supot-supot na mga ulam at kanin, mga suka't toyong kahun-kahon.
Kwentuhan, chismisan, kamustaha't biruan. Mabilis na ninanamnam ang saglit na kapahingahan. Inoorasan. Iniingatan. Hindi pa tapos ang pakikipagbakbakan.
Maraming 'di mapakali pagdating ng tanghali. Lalo't wala pang kita, wala pang benta, wala na ngang agaha'y wala pa ring pera. Minsan, lulunukin ang hiya, ang pangingimi. Kaysa nga naman magnakaw, mabuti pang maghingi. Pero sa dami ng kakumpitensiya, maging sa larangan ng panglilimos, marami ring kinakapos ng swerte. Sa dami ng mga pulube, pati ang mga dating naglilimos ay nagiging pobre din.
Tanghali din kung pumailanlang ang panalangin sa moske. Waring binabasbasan ang mga naglalako ng peke. At hayo sa singhutan ng rugby ang mga batang kalye. Engrandeng pagpipista naman ang ginagawa ng mga askal at pusakal sa malawak na tambakan sa likod ng palengke.
Kalahati pa lamang ito ng maligalig at mahabang maghapon.
Marami pang maaaring mangyari...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment