Thursday, January 13, 2011

RED HORSE 3:16 (Ikatlong tagay sa panglabing-anim na bote)


May araw na bida ka, may araw na extra lang. Parang pelikula lang ang buhay. O parang mesa na minsan maraming pagkain, minsan naman, panay kanin lang, walang ulam. Minsan pa nga, kahit ano, wala. Mesa lang talaga. Parang notebook na 'di maubos-ubos ang mga pahinang naghihintay masulatan ng kung anu-ano: assignment, lessons, mga drowing pag 'di mo maintindihan ang sinasabi ng titser sa harapan, o yung sagot ng kaklase mong super genius na nagre-recite; o mga pambihirang mathematical equations na tatatlo lang sa buong whole wide universe ang nakaka-intindi: titser mo, kaklase mong genius, at yung author ng libro.

Parang dikiam din minsan. Masarap at matamis sa simula, pero 'pag basang basa na ng laway, 'pag naaagnas na sa kapaparoo't parito sa loob ng bibig, unti-unti, umaalat. Pagkaalat-alat.

Ang buhay ika nga'y parang life. Sosyal din kung minsan. Parada ng mga finer things in life, sit-down-dinner complete with a glass of wine - kahit Carlo Rossi lang. Minsan nga, kahit Red Horse lang na pinag ambag-ambagan. Ayos na rin. Nairaraos din. "konting alak lang, kahit walang pulutan..." Kahit nga walang alak. Basta may kaibigan, kakuwentuhan, kausap man lang...o kahit katabi na lang.

Pero minsan kahit ang mga ito ay wala. Kaya idadaan na lang sa pwersahang pagtulog. Ang himala, paggising mo, buhay pa rin naman. Hindi naman pala nakamamatay ang saglit na pag-iisa.

Sanayan lang ang buhay. Ang mapikon talo. Sabi nga ng Chinese philosopher na si Po Ng : "wa wen ta." Ang ibig sabihin, "wa wen ta" ang sobrang pagda-drama. Dapat namnamin ang bawat araw. Masarap ang buhay sa isang taong marunong mabuhay. Malungkot sa isang nagmamadaling mamatay. Pag alam mo kung pano mabuhay, daig mo pa ang pusang 'di umanoy may siyam raw na buhay. Kasi araw-araw, paggising, may panibagong buhay...bida ka man o extra!

No comments:

Post a Comment