a trash-bag of thoughts and things that swim in the mind of a wandering fool-for-Christ, a.k.a. taong-grasa-para-kay-Kristo wannabe... "If indeed aspiring to be free and happy and deliberately poor, simple, unfit for career advancement, and just a mere human being who is fully aware of his being so is really a case for the asylum, then please count me in! This is what being a fool-for-Christ truly means! I would willingly forgo a leg and an arm to even get anywhere near being one!"
Wednesday, January 26, 2011
UMAGA (Quiapo Series II)
Malabnaw na kape, lugaw, tapsilog. Minsan ay yosi lang. Minsan wala. Maagang nagsisimula ang umaga sa Quiapo. Madalas, inuunahan pa ng maraming taga-rito ang pagdating ng umaga. Walang ligoy-ligoy, wala ng ligo-ligo. Mabilis na pagbangon sa higaang katre o bangko. Saglit na wisik sa mukha, mumog at haplos sa buhok. Lagabag ng mga swelas at tsinelas sa hagdanang mauga. Karipas ng takbo sa sakayan ng dyip, FX o bus - papuntang opisina, palengke, eskwela, factory ng hopia at kung anu-ano. Tulak sa kariton, padyak sa side-car, sunong-sunong ang bilao, pasan-pasan ang kahon.
Ang iba, narun na sa pilahan ng palugaw sa harap ng simbahan, habang inoorasyunan ng matandang pari na nagmimisa, at dinig na dinig na ibinobrodkas ng mga trompang nakatutok sa Plaza Miranda.
Mabilis ang mga pangyayari. Parang kinukuryente. Madalas madapa ang mga lalampa-lampa. Pati ang mga barbero, mabilis ding gumupit. Nag-aapura. Naghahabol ng kota. Parang nagtatanggal lang ng nag-usliang himulmol sa kamiseta ng mga tambay na parokyano.
'Di uso ang "breakfast in bed" dito sa Quiapo. Maraming ang walang "breakfast" sa mga taga-Quiapo. Ang mga kapatid sa tropang "pamorningan," papatulog pa lang kung umaga sa Quiapo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment