Sunday, January 17, 2010

DEMOLISYON


Kalahati na lamang ng dati nyang rilag
Ang katapat kong bahay na dal’wang palapag
Na ngayo’y winawarat at pinaggigiba
Ng matapang na maso at makinang pantibag

Ay kahapon lang s’ya’y mapayapa’t himbing
At wala ni kapraso man lamang na awit
At ang tanging gambala sa maghapong tahimik
Ang miminsang takbuhan ng pusa’t bubwit

At sa bawat lagapak ng pinutol na haligi
At langitngit na matalim ng yerong pinupunit
Sabay ding binubungkal at hinihimaymay
Nagkulapol kong nasa at mga pangamba

ito na ang pirmi at malimit kong ulam
Sa bawat agahang may kape't periodiko
Magmula ng matapos dumaan ang prusisyon
Ng Pasko, at Nino at Poong Nazareno

At tanging dalangin ng naalimpungatang diwa
Maligtas sa panganib ng pait at duda
'pagkat layon kong tangi ang umiwas sa diwara
Ng palaboy na buhay at paghimlay sa kalsada

No comments:

Post a Comment