Friday, January 1, 2010

Ang Bisita


Maagang sinamsam ni Maria
tiniklop, ang lamping luma
pinagpag, inal'san ng hanip...

"Bilis" ang sabi
ni Joseng amain,
sapu-sapo
ang 'di halatang Diyos
sa nag ekis nya'ng braso.
"Bilis" aniya "at hahayo pa ako!"
"paroroo't hahanap
ng aalmusalin natin."

Ngunit 'di pa man itong mag-asawa'y nakakilos
may aninag nang kinang sa 'di kalayuan
Bisitang marami, alila'y gayun din
magara't makintab
ang damit ay kutitap.

Tatlong panginoon sa tindig at kilatis
sa bitbit na handog ang rangya'y labis din
at ang birheng ina na tigib ng kaba'y
nagkubling bahagya
tumiklop,
nahiya.

"Tao po", anila, "tao lang po kami"
"at kami 'di kayo dapat magpatirapa.
Sapagkat ang pakay ng mga lingkod n'yo
ay hanapi't sambahin
hari namin at Diyos!"

At doo'y inihatag
sa dambanang dayami
ang insensong pangsamba, kamanyang at ginto.
At nagtiklop ng tuhod mga taong maringal
ng mabuksan na ang kahoy na pinto
tabernakulong tabla na luklukang mahalaga
ng batang panginoon
nitong langit at lupa.

Ay ito nga ang una sa mga pahayag,
Ito ring simula ng pagpapakilala
ng isang kakaibang uri at malaking kahibangan
kung paanong ang Diyos naging ating kaibigan!

No comments:

Post a Comment