Thursday, December 31, 2009

Salamat Bataan!

Bayani at Banal ika'y naturingan
Natuklasan ko ring ika'y kaibigan
Mga payak mong umaga at hanging magaan
Sa lambong ng takipsilim ikaw din ang kapisan

Ang tahimik mong maghapon ay lubhang mapagpayapa
sa kabog ng dibdib na minsa'y ginambala
ng hiyaw at hinagpis ng mga dinakila
na mga alagad ng dangal at laya

Bataan, bataan, ang bukirin mong luntian
ay gamot sa mga taong may pusong sugatan
gayon din ang bisa ng maalat mong karagatan
makapal na kahuyan at masiglang kabataan

Ang pangakong iyong pinanghahawakan
huwag mo sanang itambal sa saklap ng pawikan
Na kung noo'y payagpag na namamahayan
Ay ngayon sukat mabura sa mga dalampasigan

Ito rin ang babala na pirming naka-amba
Kung ang diwa mong mutya ay mahihirati
Sa tuwina na lamang na pangungulila
Sa mga lipas na tagumpay at humulas na ngiti

Sabayan mo sa pagbangon ang bawat umaga
Nang may apoy sa dibdib at siglang masagana
At sa bawat paghakbang ay isaboy ang binhi
ng galak na marami at pag-ibig na malaya!

1 comment:

  1. salamat, father. binago mo po ang bataan. binago mo ang mukha ng katedral. pero higit, binago mo ako. yay!

    ReplyDelete