Thursday, December 31, 2009

Oktopus

Asar ako sa taong aligaga. Ito yung taong aali-aligid pero parang gago/a naman. ang tawag ng iba sa kaniya o kanila ay BAWANG- kasi, laging nakasahog. Ang iba naman, CHICHARON- pirmi kasing nakasawsaw. Ako, ang tawag ko sa kanila ay OKTOPUS. Kulang kasi ang dalawang kamay sa dami ng gusto nilang pakialaman, panghimasukan, pagmarunungan. Paroo't parito, atras-abante, urong-sulong, akyat-panaog, paikot-ikot, labas-masok. Hindi mapirmi, hindi matahimik. Ikamamatay ata ang saglit na pag-upo. Larawan ng kasipagan sa unang kilatis. Kalaunan nama'y sanhi ng pagka-inis. Sa sampung pinkialaman, walang natulungan. Sa sampung pinanghimasukan, walang na-resolbahan. Kamukat mukat mo, dagdag pa sa alalahanin, sa pamimiryendahin. Hindi na nga nakatulong, nakapag-baon pa.

Maraming uri ang mga taong-oktopus. May oktopus na kaupisina, may oktopus na kapit-bahay. May oktopus na teacher, may oktopus na kaklase. May oktopus na pulitiko, oktopus na pari't madre, oktopus na boss, oktopus na empleyado. May oktopus na katulong, oktopus na ususero at tambay. May mga taong oktopus sa simbahan, mga oktopus na sis at brad, mga oktopus na NGO, mga volunteer oktopus. May mga madasaling okotopus, bastos na oktopus, oktopus na barbero, tsuper, kargador. May mga oktopus na naka-barong, naka coat-and-tie, mga oktopus na naka-kotse, oktopus na pobre. May oktopus na matanda, mayroon ding bata. May mga oktopus na tomboy at bakla.

Pero kahit iba-iba, kahit sari-sari ang hugis at hisura, kahit iba't-iba ang costume at drama, iisa pa rin ang pakay: makapang asar lang sa kahit anung kaparaanan, sadya man o hindi. Ang taong oktopus, pirming nakahambalang. Hindi maaaring hindi ka matalisod ng isang oktopus kahit pa kayo nasa isang silid na kasinlawak ng basketball court. May kakaibang dating at kilos ang isang taong oktopus. May kapangyarihang makapagpakulo ng dugo, makapagpataas ng presyon, magpasikip ng dibdib, magpadilim ng paningin. Daig ng mga ito ang pinagsama-samang powers ng x-men at mga kasapi ng justice league, pati na nila Darna, Kapitan Bawang, Panday, Lastikman, atbp.

Kawawa nga lang ang mga oktopus na ito. Sila ay nagkalat sa mga simbahan, opisina, paaralan, government offices at kapitbahayan. Sila ay nagsusumiksikan sa mga tambayan at umpukan. Sila ay naglipana sa mga lansangan. Hindi ito ang mga lugar para sa kanila. Dapat natin silang pagmalasakitan. Kailangan nating humingi ng tulong sa WWF at National Geographic at iba pang mga organisasyon na nagsusulong sa karapatang pang-hayop ng lahat ng kahayupan. Magkapit-bisig tayo mga kaibigan. Sama-sama nating ibalik ang mga oktopus sa Atlantic Ocean, sa Indian Ocean, sa Pacific Ocean, sa China Sea. Kung san may malapit na dagat sa inyo, pwede na rin dun. Doon sila malayang makalalangoy at makasisisid at makakakain ng mga small fish at planktons at shrimps. Doon ay buong sigla ring makadadapo sa kung anu-ano ang kanilang mga galamay ng 'di nakasisira ng project, nakababagal ng operation, nakapagpapahaba ng meeting, nakapgpapalabo ng usapan, nakapagwawatak-watak ng mga barkada. Doon sila nararapat sa bottom of the deep blue sea.

P.S. Kung sakaling matagalan ang pag responde ng coast guard o wwf, isakamay mo na ang batas at gawing calamares ang ilan sa kanila...

No comments:

Post a Comment