Thursday, December 31, 2009

Et Verbum Caro Factum Est

Makapangyarihan ang salita. Nakapagpapasaya, nakapagpapalungkot. Nakapagbibigay-buhay, maari ring makamatay. Ang salita ay maaring magpausbong nang 'di masupil-supil na pananabik sa isang umiibig kapag binitawan bilang pangakong pagbabalik ng mangingibig matapos ang sumandali nitong paglisan. Maaring maging sanhi ng pagkakaibigan, maari ding pagmulan ng bangayan. Salitang malumanay ang susi ng pagkakasundo, ang marahas nitong kabaligtaran naman ang ugat ng pagkakawatak-watak, at minsan, ng mapait pa ngang alitan na maaring tumagal ng pagkahaba-habang panahon. Ang salita kapag puno ng malasakit ay nakagagaling ng maraming karamdaman. Kapag ipinagkait naman, ito'y nagiging isang nakabibinging pagkakait ng pag-iral sa isang tao, yung para bang oo't andiyan ka ngunit walang kumikibo sa iyo kaya't parang ika'y wala lang. Pampasigla, pampakalma, pampainit ng ulo, pang-away, pang bati, pang lait o pampuri, pang samba o pang uyam, pampahayag ng pag-ibig o pagkamuhi, pandugtong ng buhay mo sa buhay ng kapwa, pantawag pansin kapag nangungulila, pampainit ng samahan... sa anu mang kaparaanan na ito'y gamitin, ang salita ay makapangyarihan.

Batid ng Diyos ang kapangyarihang ito ng salita. Siya Ang Salita! Kanya lamang ang salitang tunay na makapangyarihan, tunay na buhay, tunay na bumubuhay.

Ngunit sa kadakilaan ng kaniyang karunungan, 'di lamang siya nagpakawala ng salitang pinagmulan ng lahat. Hindi lamang naging sanhi ng pag-iral ang buhay at bumubuhay niyang salita. Siya, ang mismong salitang buhay at bumubuhay, ay 'di lamang nanatiling makapangyarihang salita. Siya ay salitang naging tao; Salitang nagkatawang tao; Salitang nagpakatao; Salitang naging kaibigan, kaanak, kapitbahay, kaagapay, kalakbay, karamay. Bawat sambitin niyang salita ng pakikiramay ay may kasangkap na paggawa. Bawat pagtuturo, may mabuting halimbawa. Bawat pakikiluksa, may pag luha. Bawat pakikisaya, may masaganang halakhak. Ang mapaglikha niyang salita ay masasaksihan, maririnig, matitikman, maaaninag, masusundan sa kanyang pagsasakatawan at pagsasabuhay nito.

Ang Salita ay Nagkatawang-tao! Ang salita ay nagka-mukha, nagka-anyo. Siya'y nagkapangalan, nagkaroon ng laman. Sa pagkakatawang-tao niya'y binigyan niya ng matamis na ngiti ang sayang ipinahahayag. Pinagkalooban ng haplos ang pagdamay na itinuturo. Ginuhitan ng talim at talas ang pagtutuwid na ipinangangaral. Isinalarawan ang pagtulong na iniaalok, ang pakikibakang nilalahad. Ang salitang nagkatawang tao ay naging brasong umaakbay sa nangungulila, kamay na umaabot sa naliligaw at nawawala, labing dumadampi sa pisngi ng taong gutom sa pansin at kalinga. Siya ay naging hiningang mainit na pirming nagsasaboy ng buhay sa lahat ng madaanan at makasalumuha. Siya ang salitang nagbigay ng anyo sa turo ng paghahandog ng sarili sa kapakanan ng kapwa.

Siya ang salitang nanlumo sa pagaayuno, ang salitang yumakap sa mga balo at ulila. Siya ang salitang nagpatong ng kamay sa may karamdaman, ang salitang pumunit sa limang piraso ng tinapay at dalawang isda upang pakanin ang limang libong gutom na mga kaibigan. Siya ang salitang lumakad sa ibabaw ng tubig, nagpatahimik sa nakagigimbal na hangin, nagpatawad sa maraming kasalanan.

Siya ang salitang tumupad sa pangako niya nung una, sa pamamagitan ng paguunat ng katawan, mga kamay at paa, sa krus ng pag-ibig. Sya ang salitang ibinayubay at pinagpistahan na tila dulang. Siya ang salitang inilibing, at bumangong muli sa luwalhati ng pagkabuhay.

Ang Salita sa kanyang pagkakatawang tao ay nagparating sa ating lahat ng pag-ibig niyang hain at pangako niyang buhay na walang-hanggan! Ang makapangyarihang Salita ay gumamit ng lenggwaheng arok ng makitid nating pang-unawa upang ipahayag sa atin kung gaano kalalim, katayog, kalawak at kawagas ang pag-ibig niya sa atin...ang lenggwahe ng pakikipagkapwa.

Mula sa labangan hanggang sa libingan, mula sa pagsilang hanggang sa muling pag-silang, mula sa pangako hanggang sa pagpapako ng kabuuan, kaganapa't katuparan ng binitawang pangako dun sa krus ng tagumpay, sa muli niyang pagkabuhay, sa kaniyang paghahari, ipinaghuhumiyawan ng buhay na salita na bawat isa sa atin ay kanyang pag-aari, na kung sa'n tayo nagmula'y doon din uuwi.

At dahil dito, ang pagkatao natin, ang lahat sa atin, ang kabuuan natin, ay ginawa niyang mga masiglang tagapagpahayag ng kanyang buhay na salita...nang siya'y makipamayan sa atin!

No comments:

Post a Comment