Thursday, December 31, 2009

Panaghoy Sa Langit


Ikaw na bukal ng awa't pag-ibig
Balon kang malalim sa lahat ng iigib
Ay ano't naidlip, sandaling nawaglit
At sa lupa'y sumambulat ang apdong mapait

Isang lunes ng umaga...bumangon, humayo
Mga kasama sa bukirin ng pag-asa
Ang bao'y tampipi na may lamang laya
At kipkip sa bulsa binhi ng kamulatan

At doon sa burol na paroroonan
Ay may huning naulinig tila sipol ng kaibigan
Ni hindi namalayang ang paswit na bahagya
Ay hudyat lang pala ng simula ng paglapa

Ang dati'y mga tadyang at braso't binti,
Mga mukha at tainga at labing may ngiti,
Inararo't tinalupan, nilaru-laruan
At sa matingkad na pula ang lupa'y nakulayan

Bakit nga ba ika ko'y bigla mong naisipang
Ang mga sandaling ito'y saglit na pagtaguan?
Sadya ba sa iyo ang birong malupit
Na sa daan nilang tahak ang liwanag ipagkait?

Makaawa nitong lingkod mong maliit
Tapusin mo na sana ang pananahimik
Isakdal ang may sala't itanghal ang wagi
Kalingain ang aba't pamungahin ang mithi

At 'di muna gugugulin mga gabi sa pagtulog
Ni hindi paaawat sa panalangi't pagdulog
Hanggang isang araw ang mithi'y maabot
Katarungan sa mga martir at parusa sa salot!

No comments:

Post a Comment