Wednesday, February 9, 2011

i-Tg (ako-Taong-Grasa)



Puyat at pagod ngunit maaga kung gumising. Hindi maaaring tanghaliin at baka masalisod ng mga importante at abalang mga tao na pagputok na pagputok pa lamang ng araw ay karipas na sa pagpaparoo't parito sa mga lansanga't kalsada. Gugugulin niya ang mga unang sandali ng pagkagising sa pananahimik, pagbulong sa sarili (siguro'y panalangin), paghikab ng malalim at pagtitig sa malayo sa isang 'di mawaring bagay na s'ya lang ang nakaaalam kung ano. Malabnaw na kapeng makailang-ulit pang babantuan ng nilagang tubig sa pag-usad ng maghapon. Mga lumang diyaryong paulit-ulit na babasahin at matiim na pagninilayan na waring biblia sa turing. Sigarilyong mapait sa kamay na ngawit.

Madalas ay tahimik. Dinadaan-daanan. Nililihisan. Madalang kibuin o tapunan ng pansin pagka't mata'y nanlilisik. Bigla-bigla na lamang tumatawa ng malakas pag nakakita ng nagumpugang mga daga na naguunahan sa paglabas-masok sa mga butas at siwang.

May hawak na bolpen, lapis, at kahit anong uri ng pira-pirasong papel. Ito ang kaniyang sandaang mga sandata sa marami niyang pakikibaka. Ang mga ito ay ang kanyang baril, bomba, taga, lagari, pinsel, paet, karayom at sinulid, martilyo at pako, semento at bato.

Sa kapirasong santwaryo ng paborito n'yang sulok, doon s'ya nakalilikha, nakatitibag, nakapagtatahi, nakapaghihimay, nakabubuhay, nakapaglalakbay, nakikipag-niig sa mga anghel at santo, nakikipagtunggali sa mga ungas at demonyo.

'Pagkat walang magtangka na siya ay hawakan, ay malaya niyang naipapahayag ang kanyang mga saloobin. Magnanakaw ang tawag niya sa mga magnanakaw. Ganid kung ganid, mangmang kung mangmang. Tanging ingay at alulong ang kanyang naririnig sa mga hungkag na dalangi't papuri sa mga simbahan. At nasasamid at 'di mabigkas ng tuwid ang katagang 'kagalang-galang' kapag ang pinatutungkulan ay mga lantarang kawatan. Walang kagatol-gatol kung kanyang singaha't duraan ang mga plantsadong gayak ng mga pusakal. At 'di rin niya sinasakyan ang kinang at taginting ng mga kinahuhumalingan. Basura ang turing n'ya sa mga pinahahalagahang yaman ng iba. At ang kanyang mga basura ang tangi n'yang kayamanan.

Hindi niya gawaing makipag-siksikan. 'Di rin lalo ang makipag-unahan. Kung saan naroon ang libo-libong karamihan, ito ang kaniyang pinakaiiwas-iwasan. Hindi siya baliw at kapos sa pag-iisip. Ang 'di lang niya maunawaan ay kung bakit pagkarami-rami ang hindi mapakali, 'di masiyahan, ang 'di maibsan ang tila palalim ng palalim na paghahangad sa mga bagay na parang alikabok din lang naman, na saglit lang na maiipon at kakapal sa mga pansamantalang impukan, ngunit dagli ring isinasambulat ng mga biglaang pagbuga ng hangin. Hindi niya maintindihan kung bakit 'di maintindihan ng marami, na sapat nang biyaya ang hininga, ang ulirat, ang kakayahang umawit hanggang mamalat, ang lumaboy ng malaya kung saan mo maibigan, ang mag-ingay, manahimik, lumuha at tumawa, nang walang nagdidikta, nag-uutos o nagtutulak, kundi ang maalab na udyok ng likas na kalayaan.

Awa at pagkarimarim ang araw-araw na limos sa kaniya ng mga napapadaan o nakatatanaw sa kaniya sa mga 'di kalayuan. Awa't rimarim din naman ang ganti niyang bati sa mga nagbabato nito. Hindi niya ipinaghihinagpis ang mga pagkakataon na walang mangahas tumabi, makipag-usap ni makiramdam man lang sa kaniya. Ito nga'y mas mainam pa, upang 'di maantala ang mahalaga niyang tungkulin bilang taga-usig sa pinag-isang budhi ng naliligaw na bayan, at paminsan-minsang kalaro ng mga maya't langgam.

No comments:

Post a Comment