Thursday, February 3, 2011

BIERNES (Quiapo Series V)



Isang maitim at malawak na dagat ng mga ulo ang sasalubong sa paningin sa gawing kanan ng Quezon Bridge kung ika'y palusong sa Quiapo mula sa Plaza Lawton. Kung galing naman sa Espana, wala rin namang magagawa kahit sino, kahit na anong uri ng sasakyan, kundi ang magpa-anod sa baha-bahagyang pag-usad ng mabagal na daloy ng trapik ng sasakyan. Parang ilog na naipon mula sa kung saan-saan, nagtagpu-tagpo at nagbuhol-buhol, paliko ng Lerma, pababa sa underpass at paahon sa bahagi ng Quezon Boulevard na bumabagtas sa gilid ng simbahan. Ito ang eksena sa mga kalsada sa tuwing Biernes sa Quiapo.

Mga kababaihan, marami sa kanila'y mga lola at balo, na nakabihis ng damit na maroon, nasisinturunan ng dilaw na lubid, at may koronang gawa sa mga daho't murang baging ng makabuhay. Walang puknat na nobena, mga misa, at naglalagab-lab na tirikan ng mga kandilang sari-sari ang kulay para sa iba't ibang mga pakay: pula para sa pag-ibig, itim sa kaaway, puti sa pasasalamat, berde para sa masaganang kita. Mayroon ding asul para sa kapanatagan ng loob, pink sa 'di matiyak na kadahilanan, at iba't iba pang mga neon na kulay sa marami pang pangangailangan at hiling. Maaari ding dikitan ng mga hugis taong kandila at kasabay na ipalusaw sa ningas para mas matalab daw at mabisa.

Sa palibot ng simbahan, at maging sa kahabaan ng Quezon Boulevard, naroon naman ang mahabang hanay ng mga karitong nagbebenta ng iba't ibang mga dahon, sanga, langis, pulbos, kabibe, buto, at bato na nakagagaling di umano sa lahat ng uri ng mga sakit gaya ng lagnat, ubo, pilay, bukol, kulugo, pagkahilo...at may bonus pang pamparegla.

Amg mga mandarasal sa loob ng simbahan ay abalang nananalangin para sa mga kaluluwang aplikante sa langit, habang sa labas at palibot naman nito'y kandarapa ang mga manghuhula sa pangangalat ng mabuti o masamang balita sa mga suking kliyente. Lahat ay ibinabadya ng mga bituin at guhit ng palad. May mga suswertehin sa negosyo, makapag-aasawa ng mayamang matandang madaling mamatay, makapag-aabrod at magkakaroon ng bahay at kotse. Ang iba naman 'di umano'y minalas na magka-asawang tahinik ngunit may alaga namang kulasisi, o katulong na pinagkakatiwalaan ngunit magnanakaw palang lihim. Depende lang naman ito kung malaki o maliit ang bayad kay madame at propesor.

Wika ng Panginoon sa Mahal na Ebanghelyo: "humanap ka at ika'y makasusumpong." Sa Quiapo kung Biernes, walang hahanapin na 'di masusumpungan. Siya'y may tugon sa lahat ng katanungan, may inumin sa lahat ng pagka-uhaw, pagkain sa lahat ng pagka-gutom. Himalang napagkakasya niya ang lahat ng dumarayo at nagpapakupkop sa kaniya. Walang sinuman ang walang mapaglulugaran. Wala ring dunong, gaano man ang lalim, ang makapangahas magpaliwanag ng tiyak sa lingguhang piging na ito ng buhay at mga pangarap.

Walang ibang himala sa Quiapo kung araw ng Biernes kundi ang Quiapo rin mismo. Ang Quiapo'y isang malaking katanungan; siay'y mismong ang kasagutan din. Nakamamanghang palaisipan na 'di naman talaga nangangailangan ng iisang tumpak na kalutasan.

Hindi paghihimay sa samu't saring mga bahagi ang susi sa pagtuklas ng hiwaga ng Quiapo. Ang Quiapo'y dinarayo, dinarama, tinitikman, pinagmamasdan, pinakikinggan, pinakikiramdaman, pinakikitunguhan, kina-kausap, kinakaibigan, kinakamayan, kinakarinyo, iginagalang, pinagmamanuhan, pinupulsuhan, pinakikipamayan.

Sya ay magkapanabay na hamon at paanyaya. Sa sandaling matikman, hinding-hindi tatantanan. At 'di rin niya kailanman tatantanan ang sino mang sa landas niya'y mapadaan.

No comments:

Post a Comment