Friday, February 4, 2011

GUNAM-GUNAM SA LACSON UNDERPASS (Quiapo Series VI)



Bakit makikipagsiksikan sa agawan ng pagiging kung sino, kung malaya namang masusunggaban ang hindi pagiging kahit na ano? O magkandarapa sa pakikihablot sa mga ambisyong para lamang bula? O mga katawagang nakakalimutan din naman kalaunan? Bakit nga ba hahanap pa ng agad ding mawawala? Ang mga 'di likas sa kung sino o bakit ako narito ngayon, at 'di mananaig sa kahulihan kapag ako'y 'di na umiiral?

Mapang-aliw ang bawat naririnig ng tainga. Mapang-akit ang prusisyon ng mga nakikita. Ang bawat madama ay mapang-halina sa bawat nitong kilatis, hugis, kinis at gaspang. Nakakikiliti't nakapapaso. Nakapagpapa-init, nakapanlalamig. Nakapupukaw ng damdamin. Nakapang-hehele't nakagigitla.

Pero ang lahat ay dali-dali ring mawawala. Laro lang ang lahat ng pakikipag-niig at pakikipag-tunggali. Pamatid-inip sa mistulang kahabaan ng sa totoo'y saglit lang na takbo ng buhay.

Ang 'di batid na hiwaga na siyang naroon na bago ko pa man unang naimulat ang aking mga mata, ang siya ring tanging sasalubong sa akin kapag ang mga ito ay ipipikit ko na.

Ang lahat ng mayroon ako sa kasalukuyan ay malalagom lamang sa kapirasong pagitan ng sinapupuna't libingan. Lubhang napaka-ikli upang gugulin ko pa sa anumang 'di kapaki-pakinabang, o kaya'y aksayahin sa nakau-upod lang na mga alitan o kahumalingan. Kaya't sa pirming amba ng napipinto at 'di maaantalang pag-tila ng lahat kong nakagisnan, ang marapat na lamang na pagtuunan ng natitira kong panahon at kakayahan (sapagkat kasabay ding kumakaltas sa bilang ng mga ito ang bawat dahong nalalagas sa tala-arawan), ay ang pagpapanatili ng aking mga kalayaang:

- Mabuhay ng payak at 'di natatabunan ng mga basura't pasanin;
- Magbahagi at sumagap ng pagpapala araw-araw;
- Tumawa ng malakas kahit walang kadahilanan;
- Maghugas ng aking mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-luha;
- Umibig ng walang pasubali;
- Umigib sa balong walang lalim;
- Umawit kahit wala sa tono;
- Umindak ng parang baliw;
- Maligo sa ulan katulad nung ako'y maliit pa;
- Magtago't mawala kung gusto ko ng tahimik;
- Lumitaw na bigla sa pagpapatuloy ng buhay.

(Matagal-tagal na rin pala akong nakatayo dito sa kanto ng lagusan ng R. Hidalgo at Quezon Boulevard. Parami na ng parami ang mga nagdaraan. Kailangan ko nang magpatuloy ng lakad. Nakahambalang na ako sa daan).

No comments:

Post a Comment