Tuesday, March 30, 2010

MITING DE ABANSE NG PARTIDO HUGAS-PAA


Miyerkules Santo, bisperas ng Paskwa, miting de abanse ng Partido Hugas Paa…

Dalawang partido ang maigting na magkatunggali sa labanan ng kuwaresma: PARTIDO HUGAS-KAMAY at PARTIDO HUGAS-PAA.

PARTIDO HUGAS-KAMAY: Katipunan ng mga duwag, lupon ng mga taong takot masangkot sa mabuti, tama at totoo. Ang partido hugas-kamay ay pinamumunuan ni Pilato. Pero walang listahan ng pangalan ng mga kasapi nito. Walang gustong lumantad, walang gustong magpakilala. Lahat ay takot. Lahat ay bahag ang buntot. Ni sa kanilang samahan ay ‘di rin sila nagkaka-isa. Kanya-kanyang pulas sa oras ng peligro kumbaga. Mahilig lang sa palabas, sa palakpak, sa kaina’t kasiyahan. Maibigin sa mga ritwal at seremonyas, ampaw ang kalooban. Palahingi ng biyaya, pala-iwas sa pananagutan. Hindi maaasahan sa oras ng pangangailangan. Takot sa hirap, takot sa Krus, takot mawalan ng buhay sa ikabubuhay ng kapwa.

PARTIDO HUGAS-PAA: Si Kristo ang pasimuno ng partidong ito. Lupon ng mga taong matapang, masigasig, malalim at bayani. Hindi takot magpakumbaba dahil busog ang loob sa pag-ibig at awa ng Diyos. Mapagparaya sa iba, mapag-tanggi sa karangalan. Lantad ang pangalan. Hindi nangingiming ipangalandakan na Diyos lamang ang kanilang tanggulan, hindi nakikipagtaguan sa oras ng pangangailangan. Buo ang loob sa pamamalita ng kabutihan, malinis ang puso sa pagdadamayan. Iisa kung kumilos sa kapakanan ng bayan. Walang kinatatakutan sa larangan ng paglilingkod, sukdulang mag-alay ng kani-kaniyang buhay.

Miting de Abanse ng Partido Hugas-Paa. Ipinararating sa lahat ang masayang paanyaya! Sa Huwebes Santo, may pahapunan sa senakulo, doon gaganapin ang paghuhugas ng paa; sa Biyernes Santo, halina’t samahan si Hesus sa bundok ng Kalbaryo, kung saan ipapako ang tiyak na pagkapanalo…at sa Sabado naman ng hapon, sa presinto ng kweba tayo’y magtanod, sapagkat tiyak na ang tagumpay ng pagkabuhay sa linggo!

No comments:

Post a Comment