Friday, March 12, 2010

VIERNES DE DOLORES (biernes bago mag linggo ng palaspas)


Bakit ‘ika mo ikaw nga ba ang Diyos?
Ba’t bitak ang talampakan
Na ‘di nasasapnan?
At ang kamay na lumikha
Ng kabundukan at dagat
Sa balikat ng puta
Ay iyong nilalapat

‘di yata’t malabis, sagana’ng pagtangis
Ang iyong hinagpis sa gusgusing palaboy
Malakas namang tawa
Kay inam na dighay
Kapag kasalo ay tambay
At walang magawa sa buhay

Ay aba naman kung ikaw nga ang Kristo
Karungisan sa puri
Ng pili naming lahi
Anong pitagan, anong uring karangalan
Ang ibabahid mo naman sa banal naming bayan?

Kalapastanganang malaki ang isipin man lamang
Na balot ng basahan Diyos naming inaasahan
Tanggula’t kakampi, saganang magpaani
‘di tulad mong api at lusak ang lipi!

Ika’y Diyos na dakila ng lumpo at alila
Maalam na guro ng mga umid ang dila
Tinik na sagana ang putong mong sadya
Kahoy na kahiya-hiya ang luklukan mong mutya!

No comments:

Post a Comment