![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEggfeCiEalU5ODWrTmNg0OuhF2oQVg61ZJNXtbNJZs2s7E9VGyjR-j-kvgKMvwbIb9WKs0Qag00Ohr9GWQ_yk_jePSBsnVKbSmbQE3Md6V_xDGmhgIqsYqftsbN6s7bZZTaGDOnxg2Vid9B/s200/harrowin.jpg)
‘Sing lamig ng pusod ng kwebang madilim
Ang umagang tumambad sa puyat na himlayan
Pati na mga kwago at bayakang maitim
Tila kulang sa idlip, nabulabog ng lagim
Ang maalat na luha’y ‘di tuluyang lumagpak
Sa halip naglambitin sa mga daho’t sanga
Pigil din ang paghuni ng kilyawan at maya
Nabahiran ng uling ang puti ng tagak
Bingi pa ang tainga sa bugbog ng kahapon
Sa nagsalong hinagpis at insultong malutong
Ng masiba at lulong na balanang hayok
At matalas na koronang sa bumbunan pinutong
Napuknat ng mainam ang telon ng trahedya
Nilugami’t binulid ang hungkag na dangal
Tumambad pagkapunit makinang na salamin
Nagbunyag sa larawan ng agnas na pithaya
At wala na sa hiram na puntod ang poon
Ni sa yungib, o dagat, o bundok na matayog
Ni sa kahoy, o bakal, o telang balumbon
Hayun na at ang araw ang liwanag nagsabog!
No comments:
Post a Comment