Thursday, April 1, 2010

TAHIMIK NA BIYERNES


Tahimik ang pasimula ng liturhiya natin sa gabing ito. Walang entrance hymn, walang musika; may takip ang mga larawan at poon; walang sapin ang altar, walang kandila, walang bulaklak, walang kahit anong dekorasyon. Walang imik ang langit, walang imik ang mundo, walang imik sino man sa atin…tahimik, walang masabi, walang kibo, walang ibang maaaring gawin…kundi ang sumamba ng tahimik!
Bakit tayo tahimik? Bakit tayo walang imik? Bakit tayo tulala sa harap ng Krus?

TAHIMIK TAYONG LAHAT, TAHIMIK ANG KALANGITAN, TAHIMIK ANG SANLIBUTAN, TAHIMIK ANG KAPALIGIRAN, DAHIL SA HARAP NG KRUS NI KRISTO…NAROROON NA ANG LAHAT-LAHAT!

NAROROON NA ANG KASAGUTAN! NAROROON NA ANG LAHAT NG ATING KAILANGAN! ANG MGA HINAHANAP NATING SAGOT SA LAHAT NG ATING MGA KAKULITAN AT MGA KATANUNGAN! NAROROON NA ANG ATING MGA ALITAN, SAMAAN NG LOOB, SUMBATAN, LAMANGAN; NAROROON NA ANG ATING MGA KASALANAN, NAROROON NA ANG ATING KAMATAYAN…LAHAT-LAHAT, WALANG TINIRA, WALANG NAKALIGTAAN…NAROROON NA’T NAKAPAKO NANG LAHAT SA KRUS!

Sa gabing ito ay tahimik ang lahat sa langit at sa lupa dahil walang sino man sa atin ang may karapatang magsalita, manumbat, dumaing, humiyaw, mang-husga, gumanti, mag-hari, maging Panginoon at magpakita ng kapangyarihan kundi ang Diyos na itinakwil, tinraydor, itrinatong kriminal, at ipinako sa krus!

SA GABING ITO AY WALANG IBANG MAY KARAPATANG MAGSALITA KUNDI ANG NAKAPAKO LANG SA KRUS!

Ngunit tignan nating mabuti, makinig tayong mabuti, mapapansin natin…wala din siyang imik. Siya rin ay tahimik. Walang pang-huhusga, walang galit, walang pait, walang ngawa. Mayroon lamang nag-uumapaw na awa. Ang kaniyang dapat sabihin, kanya na lamang ipinakita sa gawa…

Masdan natin ang Krus na Banal. Sambahin natin si Kristong nasugatan. Pakinggan natin ang sinasabi ng matahimik niyang gawa…

MAHAL NA MAHAL KO KAYO! GUSTO KO, MABUHAY KAYO! GUSTO KO, MASAYA KAYONG LAGI! GUSTO KO’Y MALAYA KAYONG UMIBIG, MAGPATAWAD, MAGLINGKOD, MAGING TAPAT, MAGING MABUTI, MAGING GANAP, MAGING MASIGLA AT BUHAY NA BUHAY!

IPINAKO KO NA SA KRUS ANG LAHAT NG INYONG MGA KRUS! Inako ko na sa Krus ang lahat ng inyong mga kalaswaan upang hindi n’yo na salaulain at saktan ang bawat isa! Inako ko na sa Krus ang lahat ng inyong kasuwapangan, upang ‘di n’yo na pagdamutan at pagkaitan ng biyaya ang isa’t-isa. Inako ko na sa Krus ang lahat ng inyong galit at poot, upang hindi n’yo na saktan at paulit-ulit na gantihan at lamangan ang bawat isa. Inako ko na sa Krus ang lahat ng inyong kahinaan, upang hindi n’yo na gamitin ang mga ito bilang palusot at dahilan sa hindi ninyo paglilingkod sa bawat isa.

INAKO KO NA ANG LAHAT NG INYONG KASALANAN AT KAMATAYN SA KRUS, UPANG MAGING MALAYA NA KAYO NA KAYO SA BANGIS NG MGA ITO, UPANG HINDI NA KAYO PAULIT-ULIT PANG IPAKO AT IBAGSAK AT PARUSAHAN NG MGA ITO. INAKO KO NA ANG LAHAT NG MGA ITO, SINAID KO NA ANG LAHAT NG PWEDE NINYONG IKATWIRAN AT IDAHILAN UPANG HINDI SUMUNOD SA AKIN, UPANG LUMAYO SA AKIN, UPANG HINDI TUMULAD SA AKING HALIMBAWA, UPANG MAGTAKWIL SA AKIN, UPANG MAGDUDA SA AKIN, UPANG HINDI MAGTIWALA SA AKIN, UPANG TUMALIKOD SA AKIN.

INAKO KO NA ANG LAHAT NG MGA ITO SA KRUS NG PAG-IBIG KO SA BAWAT ISA SA INYO, UPANG MAGING MALUWAG NA PARA SA INYO ANG DAAN PATUNGO SA AKING TAHANAN, UPANG MAGING MALAYA NA KAYO SA PAGKAALIPIN, UPANG ‘DI NA KAYO MULING MATAKOT AT PANGHINAAN NG LOOB SA PAGMAMALASAKITAN, SA PAGPAPATAWARAN, SA PAGLILINGKURAN, SA PAG-IIBIGAN!

INAKO KO NA ANG INYONG KAMATAYAN AT KAPARUSAHAN SA KRUS…NANG ANG MATIRA NA LAMANG AY ANG INYONG KALUWALHATIAN AT BUHAY NA WALANG-HANGGAN!

P.S.

Paki bulong na lang sa akin kung mayroon pa akong nakaligtaan…

No comments:

Post a Comment