Friday, October 29, 2010

Pista ng Patay? Pista ng Buhay!


"...Kaya naghandog siya ng mga alay para sa mga yumao. Upang mapatawad sila sa kanilang kasalanan" (2 Mc.12:45)

Matao, maingay, matrapik, magulo ang halos lahat ng kalsada lalo na ang mga patungong sementeryo. May mga nagsabit na banderitas, nag-uusukang ihawan, naghihiyawang mga radyo, paroot-paritong libo-libong mga tao.

Ang Undas ay isang malaking pistang bayan para sa atin. Hinding-hindi palalampasin, hinding-hindi kaliligtaan. Kahit hirap sa buhay, salat sa pera, kapos sa maraming bagay, taon-taon, matiyagang nag-iipon maka-uwi lang sa sariling pamilya upang maki-pista, upang mangamusta, upang maki-saya.

Kakatwa lamang na lalong kilala ang Undas sa pangalang "Pista ng mga Patay." Bata pa ako'y ito na ang nakamulatang tawag sa taunang pagdiriwang.

Ngunit sa'n man bumaling, maliban sa mga naglipanang mga bata sa mga malls na nakasuot bampira at halimaw at demonyo at nagti-trikortrit na pausong dayuhan lamang at pilit nating ginagaya, o kaya'y sa mga palabas sa sine o TV na mga zombie at manananggal at mga beybing may pangil na lumalabas sa banga, wala naman talaga akong napupuna na mga patay na "nagpipista."

Wala pa rin akong nabalitaan na ang mga dinalhan ng spaghetti at puto at sandwhich at zesto sa kanilang mga puntod ay sila mismong dumudukwang mula sa nitso, nakiki-piraso sa mga atang at nakiki-sali sa mga kwentuhan at halakhakan.

Walang mga patay na nagpipista kung Pista ng mga Patay.

Buhay na buhay ang Pista ng mga Patay.

Ang Undas ay hindi pista ng mga patay kundi ng mga buhay. Ang Undas ay pista ng buhay. Ang Undas ay pista ng Pagkabuhay!

Sa Undas ay nagkikita-kita at nabubuong muli ang mga pamilya. Sa undas pinananariwa ang pananabik ng lahat na magtipong muli bilang magkaka-anak at magka-kaibigan. Walang patid na kainan at kasiyahan ang inihahatid ng mga buhay sa piling ng kanilang mga himbing na mahal sa buhay.

Higit sa lahat, hindi matatawaran ang ganda ng banal na pagkakataong ang pamilya, sa isang bihirang tagpo, ay sama-sama sa pananalangin, sama-sama sa pag-alala, sama-sama sa paligid ng mahal na yumao.

Hayaan na ang trapik at ingay, ang gastos at init, ang abala at pagod...sulit na sulit naman at nakapagpapasigla ng kalooban.

Pinawawalang-bisa ng Undas ang bangis ng kamatayan. Pinaaalala ng Undas na hindi tayo pananaigan ng kamatayan, na hindi tayo pinanganak ngayon para lang mamatay at mawalang parang bula bukas. Binibigyang saysay ng taunang Undas ang mga pagsusumikap nating magmahal, magmalasakit, maglingkod at magpatawaran sa isa't isa: na ang mga ito'y paghahanda lamang natin sa malaking pagtitipon natin sa langit pagdating ng araw.

Pinaiigting ng Undas ang buhay na pag-asa sa puso ng bawat isa ng ang nararanasang saya sa mga mumunting pagtitipon ngayon ng mga pamilya sa puntod ng mga yumao ay patikim lamang ng mas malaki, mas masaya, at walang-hanggang kapistahan ng buhay: isang engrandeng "family reunion" nating lahat sa bahay ng ating Ama.

Ang Undas ay hindi pista ng mga patay.

Ang Undas ay pista ng buhay.

Ang Undas ay pista ng pagkabuhay!

No comments:

Post a Comment