a trash-bag of thoughts and things that swim in the mind of a wandering fool-for-Christ, a.k.a. taong-grasa-para-kay-Kristo wannabe... "If indeed aspiring to be free and happy and deliberately poor, simple, unfit for career advancement, and just a mere human being who is fully aware of his being so is really a case for the asylum, then please count me in! This is what being a fool-for-Christ truly means! I would willingly forgo a leg and an arm to even get anywhere near being one!"
Thursday, October 28, 2010
ALA-ALA
Buti pa ang kandila, nauupos sa pagluha,
may silbi ang ningas ng asul na dila,
at kapag lusaw na at wala nang mitsa,
may hangganan ang dusa,
at tiyak ang tadhana.
Buti pa ang ulan gano man ang bagsik
'pag sa-id na ang ulap agad ding tumitila
ay hindi ang malalim at masukal na hukay,
ang puwang na iniwan
ng ganap mong paglisan.
Ang gusot kong damit at maong na kupas
ay sabik sa dampi ng mainit na plantsa;
ang tuyo't sinangag na mainit sa umaga,
ngayon ay malamig
sa pangungulila.
Ayaw nang pansinin langitngit ng pintuan,
ang maingay na anunsyo ng kasinungalingan,
nang hindi na masaktan ng huwad na pangakong
isang araw nariyan ka't
sa hapag ay kasalo.
Labis ba kung sakaling ako ay humiling
na saglit na takasan nitong diwang malupit?
Mamanhid man lang sana ang kirot at hapdi,
manumbalik ang gana't
ang ngiti'y maiguhit.
At kung 'di rin lang aring makalimot ang isip
ako sana'y haplusin ng pag-asang madilim
na doon sa hangganan nitong aking paglaboy
ay muli kang makita't
mahagkan ang pisngi.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment