Thursday, July 15, 2010

Admonition: Schermer to Hoyt-Chichimanggas

maalab na lubha ang damdaming taglay
nitong tinula ng loob mong lantay
ramdam ang bangis at tingkad ng sigwa
na dagling namaalam makatapos lumatay

at 'di rin naman kinapos sa paglingap
lalong 'di rin manhid sa kinahinatnan
ng maraming ka-uri na iyong pinagmulan
narinig nang malinaw hangad mong paki-pisan

kaya't mayroon mang bagyo o wala
masidhi man ang araw o sagsag ang ulan
ang pagbalong ng wika ay 'wag mong pipigilan
na umapaw at sa bibig mo ay mamunga

ang paglapat ng pluma sa pirasong papel
upang ilahad kaganapan ng buhay
biyayang magaling at sa 'yo natatangi
na kapag pinatulog agad ding mababawi

pagtula't paglikha ng maraming larawan
ay ligayang walang mararaming katapat
kundi ang bangkito at samboteng malamig
ng mahal mong serbesa pagdating ng gabi!

No comments:

Post a Comment