Friday, March 4, 2011

315 Elizondo St...(Quiapo Series VII)



"Tulog pa" alok sa 'kin ng nanay kong namamalantsa, ng ako'y magitla mula sa malalim na pagkakatulog maraming-maraming hapon na ang nakararaan. Mga alas tres-y-media iyon ng hapon. Malawak na asul ang langit.Wala kasing ulap. Nakapapaso ang init ng nangangalit na araw sa labas ng bahay. Ngunit hindi sa loob. Sapagkat malilim, nakanganga ang mga bintanang tila may sariling dunong at alam kung sino o ano ang patutuluyin at hindi. At tanging hanging-ligaw lang ang nakapaglalabas-masok sa kanila at hindi ang alinsangan ng kalsada. Hindi ko na nakuhang balikan ang iniwan kong himbing at pang-tanghaling panaginip tungkol sa matayog kong paglipad at pagpapalundag-lundag sa nagpipintugan at naglalambutang bulak na ulap. Dahil bago ko pa naipikit ang mugto ko pang mga mata, ay tuluyan na akong natigatig ng pag kring-kring ng magbibinatog na lumiligid na sa aming lugar, ang kuliling ng sorbetero, ang potpot ng naglalako ng puto't kuchinta, at ang iba sari-saring tunog at ingay at sigaw ng maglalako at tindera ng nagparadang milindal.

Ngunit ang pinakamahirap tanggihan sa lahat ay ang malalakas na tilian at hagikhikan ng mga kalaro kong nagsi-gisingan na ring lahat, at masigla nang naghahabulan, nag-aagawan ng bola, nagsisipag-businahan ng mga kotseng gawa sa mga lumang kahon ng gatas at sigarilyo. Ang nagsanib na tinig at tunog na ito'y lubhang napakahirap tiisin at 'di mapansin. Sila'y tila nagkaka-isa sa pagsasabing: " halika na, baba na, labas na ng bahay, inaantay ka na namin, kailangan ng patotot sa patintero, kulang pa ng isa ang putbol, ang tumbang preso, ang giyera ng sumpit, habulan at taguan..."

Hindi ko na matandaan ngayon kung natulog ba ako uli o hindi ng alukin ako noon ng nanay ko maraming hapon na ang nakararaan. Pero ngayon, kapag ako'y paminsan-minsang napapadaan sa kalye kung saan kami dati nakatira, ako'y palagi nang naliligaw. Ang mga kalsadang palaruan namin noo'y masukal, marumi at maamoy na ngayon. Nahahanayan na ng mga nanglilimahid na mga tabla, bilao, kariton at sako ng mga piniratang DVD, ng mga tindero at tinderang hindi ko na kilala, at lalong nakakatakot at nakakakaba dahil 'di ko na rin kilala o maintindihan ang gamit nilang salita. Sa mga pagkakataong ito'y 'di ko maiwasang isipin na kung ano nga kaya't sinunod ko na lang sana noon ang malumanay na paanyayang muling humimlay, at ipagpatuloy ang pakikipag-harutan sa mga nagpipintugang mga ulap ng aking panaginip? At gigising na lamang uli, kapag bumalik na ang pinananabikang pagkuliling, ng mga maglalako ng busog at sigla ng aking pagkabata...

No comments:

Post a Comment