Saturday, May 7, 2011

encore: ANG MAHIWAGANG BAG (para kay SONIA at lahat ng mga NANAY namin sa LANGIT at sa LUPA)




Para itong botika, maraming lamang gamot (Biogesic pang sakit ng ulo at sinat, Diatabs pag nagtatae, Neozep pag humahaching, Mefanamic Acid pag masakit ang ipin). Meron ding Vicks, White Flower, Tiger Balm, Shampoo, toothpaste, pamahid na kung anu-ano at sabon.

Para itong beauty parlor, maraming kolorete (may make-up kit, lip gloss, lip balm, lip stick, cologne, eye shadow, eye liner, Eye-Mo, rollers, nail cutters at polvo).

Para itong sari-sari store (may kendi, chicklet, polvoron, mamon, Cheepy, minsan ay mayroon ding lighter at yosi, posporo at isang tambak na mga resibo, suki card, discount coupons at listahan ng pamalengke).

Para itong tool box (may gunting na de tiklop, screw driver, blade, perdible, paper clip, maliit na stapler, flash light at mga butones na extra).

Kasya rito ang maraming bagay. Walang 'di matatagpuan dito na 'di makakatulong kahit kanino, kahit saan, kahit anung oras. Sagot ito sa lahat ng kirot at angal at prublema ng lahat.

Ito ang bag ni nanay.

Ito ang kanyang buhay.

Parang isang mahiwagang bag.

Para ito sa ating lahat.

Bitbit n'ya ito palagi. Bawal masagi. Walang paki-alam kung nakakasagi. Napakahalagang katabi n'ya ito palagi. Parang bunsong kinakalong sa jeep; parang amigang ka-chismisan na may sariling upuan pag nasa restawran.

Pag dating ng hapon, pag uuwi na ng bahay, ang mahiwagang bag ay nagiging unan ni nanay. Dinarantayan ng ulo habang nakasiksik sa FX o bus o tren at duo'y saglit na inihihimlay ang pagod ng maghapon.

Ito ang bag ni nanay.

Ito ang kanyang buhay.

Mabigat ang bag ni nanay.

dala-dala nito ang ating buhay.

Tignan mo ang mukha ng nanay mo. 'wag mo na lang pansinin ang mga eye bags n'ya na minsan ay halos kasing laki na rin at kasimbigat ng mahiwagang bag na dala dala n'ya araw araw.

Tignan mo ang magandang mukha ng iyong nanay at sabihin mo sa kanya:
IKAW ANG PINAKAMAGANDANG NANAY SA BALAT NG.........(your address here)!
BIYAYA KA NG DIYOS SA AMING BUHAY! DALA MO SA BAG MO ANG AMING MGA BUHAY! PINASASALAMATAN NAMIN ANG DIYOS DAHIL IKAW ANG AMING NANAY!
MAHAL NA MAHAL KA NAMIN NANAY!