Friday, August 20, 2010

'PAG MARAMING BITBIT, MARAMI RING SABIT

Pag maraming bitbit, sangkatutak din ang sabit.
'di minsang napaalalahanan na ang bawat isa sa atin:
Kapag bumibyahe, kailangan kumportable.
'pag hakot ng hakot, ang abala'y katakot-takot.
walang kapahingahan; pirming hapo; palaging balisa.

Ang taong pala-hakot at pala-bitbit,
Kung saan-saan nasasabit.
Habang daan kung pala-ipon at pala-kimkim,
palaki ng palaki,
pabigat ng pabigat,
pabagal ng pabagal.

Hindi natitinag ang paghingal.
Laging kapos ang hininga.
At pag dumating na sa pintuang pang huli,
Hirap na hirap at hindi na magkasya.

Anumang pilit ang gawin,
Anumang siksik ang tangkain,
Kung hindi bibitiw at magpapakawala
ng mga patung-patong na inimbak na basura,
Hinding-hindi makapapasok
Sa makipot na bukana.

Siya lamang na malaon ng nagsanay
Magbigay at magbuka ng palad;
Siya lamang na hindi mapag-ipon
Ng tira-tira ng kahapon;
Siya lamang na marunong humindi,
kapag busog na't ang iba ay hindi pa;
Siya lamang na marunong magtimpi,
upang magbigay daan sa iba kung minsan;
Siya lamang ang huhusto,
kakasya't lulusot;
Siya lamang ang makapapasok,
sa pintong maliit,
papunta ng langit.